Tuesday, June 25, 2013

AHON Traverses Mt. Cristobal




Mayo 18, humigit kumulang 4:00 ng hapon. Matiwasay na nakarating ang grupo sa inaasam na campsite. May naunang ng 6 na katao ilang sandali lang ang agwat sa amin.

Malaki ang "Bulwagan Saddle" para sa 11 katao. Pumili na kami ng aming mga pwesto. Matapos makapag-ayos, inihanda ang lugar na paglulutuan. Inilabas na ni Jayson. ang dalang tarapal. Abalang inaayos ni Mentong at Rhed ang vestibule ng tent nila. Madami kaming tali kaya gumawa na din ng sampayan para sa mga basang damit na ginamit sa pag-akyat.


Maya-maya pa, inilabas na ni Tiernan ang baong kaldero, kalan at ang mga sangkap ng putaheng sinigang. Espesyal ang pagsasaluhan namin sa hapunan. Lahat ay sabik na makahigop ng mainit na sabaw.

Matapos lutuin ang pinananabikang sinigang, humigop ang lahat ng mainit nitong sabaw kaulam ng isang buong “pan de raccion” bili pa sa palengke ng Nagcarlan. Buong kasiyahang nagbahagi ng kani-kaniyang karanasan sa pagtahak sa nakakapanibagong trail patungo sa campsite.
Habang abala sa kwentuhan, isinalang na din sa kalan ang kaldero ng kanin para sa hapunan. Matapos ng kanin, sinundan pa ito ng 2 pang putahe bago tuluyang mag-anyaya sa lahat ng tunay na hapunan.

Marahil ay nagtataka ang isang grupo dahil nagtitiis kaming yumuko sa ilalim ng inilagay na tarapal habang abalang nagkakasiyahan sa pagluluto, pagkukuwentuhan at sa paghigop ng maasim na sinigang. Maliwanag ang papawirin, masayang nakahilata ang kabilang grupo sa nakalatag nilang tarapal. Dalawa sa kanila ay nagsimula na rin maghanda ng kanilang pagsasaluhan.
Ganap na 6:30 ng gabi, nag-anyaya na kami sa lahat “kainan na”! Matapos ang masaganang hapunan, wala nang sinayang na panahon: sinimulan na ang “socials”. Inilabas na din ang baong camp light upang maging tanglaw sa madilim nang paligid.


Alas 7:20 ng gabi, may mga wisik ng tubig na nagbigay ingay sa ibabaw ng aming tarapal, Nagpatuloy ang wisik hanggang makailang ulit ding kumulog at kumidlat. Bumibilis ang mga patak. Umaalingawngaw na ang mga tilamsik. Umuulan na!

Patuloy kami sa aming masayang huntahan. Habang manaka-naka ay sinigurong lagyan ng pandong ang lahat ng kagamitan sa aming paligid. Mayamaya pa lumakas na ang hampas ng hangin. Nakababahala na ang ampiyas sa loob ng aming malaking tarapal.

Tila iisang iglap lamang, natagpuan namin ang aming mga sarili na karakarakang naghahanap ng lugar na mapagtataguan. Malakas na ang hampas ng hangin at ulan, tila nagngangalit ang langit sa dumadagungdong na kulog at nakagugulat na kidlat. Wala nang silbi ang aming malaking tarapal. Narinig namin ang malalakas ng taghoy ng kabilang grupo. Nakaririmarim ang daloy ng tubig sa buong paligid.


Matindi na ang ulan. Tila isang ganap na bagyo. Tuluyan na kaming nagsipasok sa kani-kaniyang tents. Eto na iyon, ang kakaibang weather pattern ng bundok San Cristobal. Pinaghandaan namin ito. Kaya nga’t mayamay pa, matapos maisaayos ang lahat ng kagamitan……itinuloy pa rin ang kasiyahan. Sa loob ng isang basang tent, kasya kaming lahat. Wagas!!





No comments: