Sunday, November 3, 2013

Talon "Itikan" in Nagcarlan


"Itikan" Falls upper level
Untouched and the bewildering splendor of “Itikan” Falls

AHON tayo sa Nagcarlan!
(Let’s climb in Nagcarlan!)

Ang barangay Talhib ay isang tahimik na kaparangan ng Nagcarlan na naluluklok sa loobang bahagi ng masukal na kabukiran malapit sa timog-kanlurang paanan ng bundok Atimla.  At dahil sa madawag na kinalalagyan ng lunan, nanatiling hindi bantog ang brgy.  Talahib sa kabila ng maayos at konkretong daanan nito mula at patungo sa kabayanan. Humigit kumulang  anim  (6) na kilometro mula sa municipio ng bayan,  ating silipin ang tagong yaman ng lunan: Ang tatlong-bahagdan  (three levels) Talon “Itikan”. 

Sa panahong kasalukuyan….kahit mismo ang mga taong naninirahan sa barangay Talahib  ay hindi makatiyak kung saan o ano ang pinagmulan ng pangalan ng lunan.  Nakapagtatakang isipin na hindi pansin maging ng mga taga barangay ang angking kagandahan ng talon at ang nugnog na kagubatang nakapaligid dito.  


Naglalakihang mga baging (vines) na nakapaligid sa matandang puno ng balite (picus tree) sa gilid ng marilag na talon at sadyang hindi pinag-uusapan maging ng mga taong barangay na malimit mapagawi o makatanaw sa lugar.  Marahil, sa mga tagaroon,  pangkaraniwang bahagi ng kagubatan lamang iyon. Hindi espesyal kaya hindi bukam- bibig ng lahat.  Sa paglipas ng panahon..wari ay isang kwento na hindi tiyak ang katotohanan. Ni hindi maihahalintulad sa isang alamat na napag-uusapan at nabibigyan ng kulay ng mga nagsasalaysay o maihahambing sa ibang tanging lugar na hinahangaan ng mga nakasasaksi.




Sa akin, nakabibighani ang angkin nitong kariktan.  Ang dalisay nitong tubig na patuloy dumadaloy at nagbibigay sigla sa tatlong bahagdan nitong  talon. Sa aking pagtungo upang ang kagandahan nito’y mamasdan, mula sa paghawak sa naglalakihang  tipak ng mga bato,  pagkapit sa ga-brasong mga baging upang makababa at makapagtampisaw sa sariwa nitong tubig.  Isa, dalawa at makailang sulyap sa mga talon at sa kanyang buong kapaligiran. Marahil mahinhin lamang o mapagkumbaba……………. o likas na mahiyain kaya?  Mistiko ngunit buhay.  Sa akin………………marilag kang tunay! 





Talon "Itikan" a mystical and priceless experience.


1 comment:

jm said...

sir can you provide us directions how to get to talon itikan please? JM